::
Sa pinanggalingan nitong “Bathala na,” maaari nating isiping kainaman ang ipagpasa-Diyos ang ating bawat gawain, pagkat sadyang kay buti Niya. Pagpulot ng kalat, pag-imis ng pinaghigaan, at ang paborito ng lahat – pag-uurong ng pinggan. Biro lamang. Sana’y nakita ninyo ang nais ipahiwatig – na mabuti ang Maylikha, tayo’y gagabayan, ngunit tayo’t tayo pa rin ang siyang kikilos tungo sa isang buhay na may pakinabang sa ating sarili at bayan.
“Bahala na.” Diyata’t ikinubli natin ang kawalang pakialam sa katagang ito. Mabait naman ang Lumikha, kung kaya, hayaan na kita sa gusto mo gawin, at hayaan mo din ako sa gusto ko gawin, hayaan na natin kung ano ang mangyayari sa susunod na araw, at kung ano man ang kalabasan, matira ang matibay, kung sino ang unang ma-tepok, ay iniloob ng tadhana niya.
Bukod pa riyan, sa ating pagiging literal, sa pagbabasa ng Bibliya, iisipin nating tumpak nang katapusan ng mundo. Nakapagtataka na kinatatakutan ito ng karamihan. Marahil ay di sila handa sa pagtatapos ng kanilang mundo. Ngunit makikita natin ang temang ito sa mga pelikula, libro, at kung anu-ano pa.
Zombies. Di po ba katapusan ng mundo ang paksa nito? Sa mga superhero komiks din, hindi ba laging may malupit na kontrabidang mahiwaga na may kakayahang puksain ang sangkatauhan? Mabentang mabenta ang produkto ng kamatayan at pagkagunaw ng mundo. Dahil nga literal tayo masyado. At ang nasa isip nating lahat, hindi natin hawak ang ating buhay. Mali po ang ganitong kaisipan, dahil ‘Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.’
Sa maling takbo ng utak natin, bakit pa nga naman natin ipaglalaban ang isang buhay na may dangal at hustisya, lalong-lalo na ang pagkakapantay-pantay? “Bahala na.”
Wika nga nung mekaniko ko, kahit sampung lane pa ang idagdag kada kalsada, kung pito naman rito ay haharangan ng jeepney at bus, para mamasahero, dahil walang bus stop kung saan ang tao ay pupunta, dahil ang mga pasaherong ito ay tinatamad maglakad at ma-abala nang kaunti, walang magagawa ang mga bagong kalsada, fly-over, tren, eroplano, helikopter, space shuttle, at time machine.
Tanungin po natin ang mga nagmo-motorsiklo. KALAHATI po ng oras ng biyahe ang natitipid nila kumpara sa mga ‘four-wheels.’ Kasi nga, kahit mabagal sila, ay tuloy-tuloy ang biyahe. Samantalang ang mga kotse, kada dalawang minuto titigil sa likod ng dyip. Maintindihan natin kung isa lang ang lane, at walang pagtatabihan. Ngunit alam nating lahat na kahit puede tumabi sa bangketa, kadalasan, hindi nila gagawin ito, ‘pagkat nais din nilang ipitin ang mga jeepney sa likuran nila, para hindi sila ma-agawan sa pasahero.
At kung ang mga tao ay nais sumakay kung saan sila nakatayong naghihintay sa kanto, at ang mga jeepney naman ay titigil kada may tao, at iipitin ang daloy ng trapiko, ano naman ang papel ng kapulisan? Mag-inspection sa iisang lugar sa araw-araw na ginawa ng Bathala, upang madaling maiwasan ng mga mukhang guilty na motorista at terorista?
Kung ang Bathala, at si Presidente Duterte ay may element of surprise, dahil inaakala ng taumbayan na kahit saan ay maaaring mapuntahan nila, hindi ba dapat ganito din ang pulisya? Kung ang mga pulis ay nagpapa-ikut-ikot sa mga malalaking kalsada, at maging sa mga subdivision at eskinita, hindi po ba mas mabisa ito na pamigil sa kriminalidad, at sa mga taong madaling makalimot na may batas pala ang tao na dapat sundin, at hindi lamang kabaitan ng Diyos ang aasahan para sa hustisya’t pagkaka-pantay-pantay?
Huwag naman po sana na ipanasa-Bathala na rin ng mga pulis ang pagsugpo sa krimen. Naiintindihan naman natin na kakaunti ang mga pulis. Kaya nga po nakikiusap tayo sa darating na administrasyon na bukod sa pagtaas ng suweldo, ay bigyan sila ng scooter, na high-powered, para hindi sila ma-trapik, at makapag-ronda sa lahat ng lugar. Dito mararamdaman po ng mga drayber at pedestrian na hindi nila basta-basta puede labagin ang batas, dahil ang mga tagapagpatupad nito ay nakabantay, tulad ni Bathala.
Maraming tao sa Pilipinas. Isang-daang milyon. Ganito na lamang natin isipin. Magkano ba ang pinakamalaking halaga na nahawan natin? Gawin natin iyang barya, at isilid sa mga sako at buhatin. Hindi po ba ang bigat? Kung iyan barya lamang, eh paano na ang bilang ng Pilipino.
Kaya nga marami sa mga estapador ay nananamantala, kasi nga naman, kahit buong bayan ng kada probinsya ang huthutan nila ng limang libong piso pambayad para sa ‘scholarship fee’ ay may daang-libo pang tao na naghihintay sa karatig probinsya na HINDI, inuulit ko HINDI nagrereklamo.
Hindi gumagawa ng kaukulang hakbang para mabago ang sistema. Walang umaangal, walang nakaka-alam ng mga kalabisan ng mga huthutero’t-huthutera. Walang nakaka-alam, madali silang nakapu-puslit para makapanloko pa ng iba.
Mabuhay ang mga taga-Aurora, at nagkaisa sila para ipakulong ang estapadora. Ito po ay napakagandang panimula ng pagbabayanihan nating mga mamamayan, sa mga maliliit na bagay. Biruin ninyo, limang libo lamang kada tao, pero mantakin ninyo, ang kabuuan ng nakulimbat, isang milyong piso na pala. At sino nga naman ang hindi aasang sa limang libo ay makapag-aral? Hindi naman kapritsong pampa-puti ang pinaglaanan ng mga kawawang kababayan nating inosente, kundi pag-aaral. Tapos ganoon.
Kaya nga iyang sa droga na iyan, dapat pagkaisahan din natin iyan. Ipa-rehab na po natin ang mga adik nating kamag-anak. Huwag na nating hayaang habulin pa sila ng mga awtoridad, manlaban, at baka mapatay pa sila. Pati po yung mga pinagbibilhan nila ng droga, isuplong na po natin lahat. Para po mabitay na sila lahat.
Ito po ang dahilan kung bakit isinusulong ang parusang kamatayan ngayon. Para sa mga druglords. Ang sabi po ni incoming Justice Secretary Vitaliano Aguirre ay iyung Intsik na druglord na taga-mainland China na may bar sa loob ng Bilibid dati ang may hawak sa lahat ng operasyon ng droga mula sa piitan.
Hindi po ba ito ay lantarang pag-aalipin sa kalayaan ng bawat isang Pilipino na mamuhay nang maayos, tahimik, at walang takot na hahatakin sa isang eskinita, at gi-gripuhan dahil sa lulong na ang adik sa shabu? Para sa isang daan piso, ang kapalit ay buhay. Buhay na sinabi ng Diyos, ng Bathala, na bawal kunin, dahil sabi sa Sampung Banal na Utos, ay “Bawal Pumatay.”
Hindi po ba tayo ay alipin na ng takot at kawalang bahala? Tayo po ba ay magsasawalang-bahala na lamang at magdadasal sa Diyos na ang mga dalagita na tulad ni Given Grace Cebanico, pumayapa nawa, ay hindi magahasa ng mga adik na ito?
Sa ating pagsisimba, at pagdadasal nang taimtim, umaasa tayo na babaguhin ng Bathala ang lahat ng kabaluktutan sa ating bansa. Matagal na po tayong lumaya sa diktador, ngunit ang mga galamay ng korapsyon ay hindi nawala, dahil walang nagsasalita.
Binigyan tayo ng buhay ng Diyos para maging alagad ng hustisya niya. Nasa atin ang Banal na Espiritu. Tayo po ang na-atasang humayo, at ipahayag ang mabuting mensahe ng banal sa kasulatan.
Bawal pumatay, oo. Ngunit kung hahayaan nating ang mga inosenteng kababayan natin ang mamatay, hindi ba tayo ay accessory to the crime? Naway maputol ang leeg ng mga druglord na responsable sa pagkagumon ng mga lalakeng pumupuksa ng kalayaan ng mga dalagita na maglakad sa kalsada. At kung magalit ang Maykapal sa ganitong desisyon ko, sa araw ng paghuhukom, magpapakumbaba po ako at sasagot –
“Panginoon, para po sa mga inosenteng anak ko, tatanggapin ko po ang hatol ninyo.”
Photo credits: www.expatch.org/