Kapag sinabing Independence Day o Araw ng Kasarinlan o Araw ng Kalayaan, ano ang mga pumapasok sa isip mo? Malamang ang watawat o bandila, sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Emilio Aguinaldo, atbp., ang Katipunan, ang Cry of Pugad Lawin, ang Pact of Biak-na-Bato, and Malolos Congress, atbp. Pero ano ang unang ginagamit para ituro sa atin ang nationalism – mula sa pagkabata?
ANG FLAG CEREMONY
Bata pa lang tayo, pinapa-memorize na sa atin ang Pambasang Awit (“Lupang Hinirang,” pero hanggang ngayon ay marami pa rin ang nag-aakalang ang title nito ay “Bayang Magiliw”). Noong araw, sa flag ceremony ay tatlo ang kailangan mong i-memorize: ang “Lupang Hinirang,” ang “Panatang Makabayan” at ang “Pilipinas Kong Mahal.” Sa ganitong pagkakasunod-sunod din ito kinakanta at nire-recite.
Ang tatlong ito ay pinapa-memorize para i-instill sa ating murang utak ang nationalism o patriotism. Pero, sa totoo lang, dahil robotic o rote ang memorization natin, hindi naman talaga natin nauuwaan ang ating sinasabi o kinatanta. Hindi ko matandaan kung inanalyze o hinimay namin sa klase ang ibig sabihin ng panata at mga kanta. Kung itinuro man ito, obviously ay hindi tumatak sa isip ko.
At palibhasa’y alam ng teachers ko na ako ay nag-aaral ng piano noon (mula 7 taong gulang), ako lagi ang tinatawag para magkumpas. Kailangan kasing alam mo ang iba’t-ibang klaseng tempo: 2/4, 3/4 o 4/4. Ang “Lupang Hinirang,” bagama’t ang original tempo nito ay 2/4 o martsa, ay inaawit noon sa 4/4 na tempo. Ang “Pilipinas Kong Mahal” naman ay 3/4 o waltz tempo.
Sa pag-lead naman ng “Panatang Makabayan” ay hindi nangangailangan ng musical ability. Kailangan lang magaling kang mag-memorize. At nag-iba na rin ang wordings nito mula noong 2001.
So, limang estudyante ang pupunta sa may flag pole area para sa flag ceremony. Ang dalawa ay siyang magtataas ng watawat habang kinakanta ang “Lupang Hinirang,” Isa ang magkukumpas. Isa ang magli-lead ng recitation ng “Panatang Makabayan,” at ang huli ay siyang kukumpas para sa “Pilipinas Kong Mahal.”
Ngayon daw, hindi na pinagkukumpas ang mga mag-aaral. Ang mga guro na ang nagrerelyebo para gumawa nito. At kadalasan, meron nang background (recorded) music silang sinasabayan. Hindi na rin 4/4 ang tempo nito kundi 2/4, dahil ang Pambansang Awit natin ay sinulat gamit ang march tempo, o 2/4 beat.
At bukod sa “Panatang Makabayan,” nire-recite na rin ngayon ang “Panunumpa sa Watawat.”
Pero ngayon, ang pagtutuunan natin ng pansin ay ang pinakabida sa lahat — ang Pambansang Awit at ang kontrobersiya sa TAMANG pagkanta nito. Ikaw ba, tama ang pagkanta mo nito?
For contrast lang, saglitan muna natin ang national anthem ng U.S. of A.
STAR SPANGLED BANNER
Sa Amerika, pwedeng-pwede i-interpret ang kanilang “Star Spangled Banner” sa kung ano mang genre o style nila gustuhin — pwedeng gawing jazzy, bluesy, rap, pop, country, o kung ano naman ang gustuhin ng kumakanta. Matatandaang nag-Top 40 pa ang version ni Whitney Houston noong 1991 (nag-peak ito sa #20). Noong 1968, nag-#50 naman ang recorded version ni Jose Feliciano noong 1968. Recently naman ay pinuri at nilikbak (mixed kasi ang reaction) ang madamdaming live interpretation ni Lady Gaga.
NO ROOM FOR INTERPRETATION
Dito naman tayo sa Pilipinas. Hindi pwede ang mga ganyan!!!
Kung natatandaan ninyo, recently ay nagkaroon ng ilang controversy sa pagkanta o pag-interpret ng “Lupang Hinirang” – lalo na kapag kinakanta ito ng mga sikat ng singers bago nagsimula ang laban ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao. Pinuna ng National Historical Institute (NHI) ang tempo ng pagkanta nila. Dapat daw kasi ay 2/4 ang tempo. Ibig sabihin, hindi pwede ang mabagal o stylized rendition. Hindi pwedeng lumihis sa “tamang version.”
Sabi sa Republic Act 8491 o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines, dapat daw tugtugin o kantahin ang Pambansang Awit “in accordance with the musical arrangement of its composer, Julian Felipe. Pwedeng makulong ang sino mang hindi wasto ang pagkanta. Sinasaad din sa batas na ito na dapat ay “with fervor” (maalab, madamdamin) ang pagkanta ng Pambansang Awit. Paano kaya nila susukatin o malalaman kung ang pagkanta ay “with fervor” o wala? Hmmm.
At kung susundin nang literally ang batas na ito, dapat ang Pambansang Awit ay ipe-perform sa salin ng isang pianista o isang brass band, dahil yun lang ang mga versions na ginawa ni Julian Felipe. Isa pa, ang original version ay nasa 2/4 tempo, kumpara sa makabagong 4/4 tempo. Kung susundin ang original tempo, at sasamahan ng lyrics, siguradong magkakabulol-bulol ang kakanta.
MARTIN NIEVERA AND JOEY AYALA
Noong 2009, binalak idemanda ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. si Martin Nievera dahil daw sa maling pagkanta nito ng Pambansang Awit sa Pacquiao-Hatton bout sa Las Vegas. At kahit na raw sa Las Vegas siya kumanta, ito raw ay ipinalabas ng live sa Pilipinas, kaya liable pa rin daw si Martin. Pinag-apologize ng NHI si Martin dahil sa pangyayaring ito, pero sabi ni Martin, wala siyang dapat ihingi ng apology dahil nagustuhan naman daw ni Manny Pacquiao (ang kumuha sa kanya para kumanta) ang rendition niya. At “in good faith” naman daw ang pagkanta niya. Sagot naman Barzaga: “good faith” is not a valid defense in such a case because the only question is whether there has been a violation of the law.
Marami pang singers ang nalagay din sa alanganin dahil sa “maling interpretation” ng Pambansang Awit.
Noong 2013 sa live performance ng folk singer na si Joey Ayala sa TEDxDiliman, kinanta niya ang Pambansang Awit nang paputol-putol, habang nagbibigay ng suggestions sa pagbabago ng ibang elemento nito dahil sa iba’t ibang dahilan: maling bigkas o syllabication, pag-angkop ng lyrics sa mga nota ng piyesa, atbp. Kumalat din sa internet ang video ng live performance na ito. Maganda naman ang intention ni Ayala at kilala siya sa kanyang pagkamakabayan, kaya siguro hindi naman siya pinarusahan ng NHI.
PENALTIES
Kapag napatunayang nagkasala ka, ang multa mo ay P5,000 hanggang P20,000 at pwede pang makulong nang mahigit sa isang taon.
Nang pumutok ang Martin Nievera controversy noong 2009, nag-suggest sina Bayan Muna Rep. Teddy Casiño at Akbayan Rep. Risa Hontiveros-Baraquel na i-amend na ang batas na ito para naman hindi na maparusahan ang mga artists kung “mali” ang kanilang interpretation.
At dahil sa napaka-strict at masasabing unreasonable rule na ito, minsan tuloy, mapapaisip ka: Eh bakit pa sila pinakanta ng live? Bakit hindi na lang pinatugtog ang plaka o recording ng Pambansang Awit? At paano kung inaantok pa ang mag-aaral at dahil dito ay mabagal ang pagkanta niya ng Pambansang Awit, pwede ba siyang dakpin ng NHI?
Kaya mga kids, huwag aantok-antok habang inaantok, ha? Dapat bibo (hindi bibe ha?). At dapat… with feelings.
PHOTO CREDIT: newsinfo.inquirer.net