Quantcast
Channel: The Philippine Online Chronicles » Buhay Pinoy
Viewing all articles
Browse latest Browse all 100

Isip Pinoy, utak talangka?

$
0
0

talangka

Habang painit nang painit ang patag na tinatapakan, tumitindi rin ang banta sa buhay. Habang patindi nang patindi ang nakasusulasok na init, pabilis nang pabilis ang karipas ng takbo. Lahat nais makaalis, lahat gustong makaagpas ngunit kahit saan mang dako tumungo, tila puro nakakapasong pader ang kinakahinatnan. Wala nang ibang mapuntuhan kundi pataas kung saan ang malamig na simoy ay humahapyaw. Walang duda, ang direksyon ng hangin ang dapat sundan pero upang ito’y marating dapat ang likod ng kapwa ay matapaktapakan.

Ito ang kwento ng mga buhay na talangka na nagkukumahog makatakas sa
kumukulong delubyong tinatawag nating sabaw. Kahit ano pa man ang potahe di na natin alintana ang panyuyurak sa isa’t isa sa ngalan ng kabusugan.

Ganyan din nga ba ang mga Pinoy na naturingang may utak talangka?

Si Agnes, sawi sa pag-ibig, walang anak, walang asawa. Matandang dalaga na nakalimot na sa tunay na diwa ng buhay. Dahil sa pait ng mga dagok na hatid ng tadhana, isa lamang ang inasam-asam… Ang makaangat sa trabaho bilang hepe ng kaniyang departamento. Nabigyan lamang ng pagkakataong maging officer-in-charge, nag-umpisa na itong maghasik ng lagim. Ang bawat taong nakitaan niya ng potensyal na banta sa kaniyang ambisyon ay ginawan ng kwento na nauwi sa pagkakaso sa kanila at pagtigbak sa trabaho.

Isang dating opisyal ng gobyerno, walang bahid na kasamaan sa kaniyang pinangangalagaang pangalan ay naatasang namuno sa isa sa pinakabuktot na ahensya ng pamahalaan. Reporma ang kaniyang sigaw na sinundan ng matinding aksyon upang mapuksa ang korupsyon. May tinamaan na malaking taong nangampanya para sa pangulo noong nakaraan eleksyon. Pinagsabihan ng presidente na kalimutan na ang kaso laban sa padrino pero hindi ito tinalikuran. Sa halip na kumampi sa tama, sa mali kumapit ang Presidente dahil sa utang na loob hanggang sa huli. Dahil hindi mabali ang maprinsipyong opisyal, siniraan muna ito upang may dahilang itigbak. Ang mga kapwa-talangka naman, nakahanap ng pagkakataong makisakay sa publisidad kaya’t nakiisa na rin sa mga inimbentong bintang hanggang sa tuluyan nang nawala sa ahensya ang kinawawang opisyal.

Sa mga naturang sitwasyon, tila dalawang lahi ng talangka ang lumalabas. May mga talangkang nagkukumahog makaangat sa buhay na di alintana ang mga tinatapakang tao. Ang isang uri naman ay mga taong nasa itaas na pilit pinupukol hanggang ito’y mapabagsak.

Bagama’t marami sa ating lahi ang tumatalangka, sapat nga bang tantuhin na ito ay natural sa mga Pinoy?

Maiigi sigurong suriin ang ating likas na reaksyon sa mga bagay-bagay na nangyayari sa ating paligid.

Si Joana, tila natural na mapamintas. High school palang, kinukuwestyon na nito ang basehan ng pagpili ng Mr. and Ms. Personality, “Sino na naman kaya ang pipiliin ngayon? Huwag naman uli si Laila, ‘no? Maganda lang naman siya pero walang ibinatbat sa talino. Napakababa naman ng qualifications ni Ma’am.”

Tumunog ang sound system at inanunsyo ang pangalan ni Joan bilang Ms. Personality para sa second grading. “Mababa pala ha,” ang banat naman ng nakarinig sa kaniyang mga kritisismo.

Pero ‘ika nga ng lumang awitin, ang taong marupok kay daling lumimot. Di nagtagal, namasukan na si trabaho Joana, “Ano? Si Ate Celia ang best employee of the month? Bakeeet?” painsulto nitong tanong.

Mangilang beses mang napahiya ang dalaga dahil sa pagiging mapagmata, tuloy pa rin sa ligaya. Aminin. May mga kabanata rin sa buhay na di natin matanggap. Bakit mas nakakaangat sa atin ang iba sa aspeto ng kagandahan, yaman at katalinuhan? At para maibsan ang inggit, tila awtomatiko na sa atin ang panlalait.

Bukod sa pamimintas, isa ring paboritong sipit ng pananakit ng mga talangka ang paninirang-puri kaya nga hit na hit ang mga tabloid dahil sa mga walang humpay na tsismis na pinagmumulan ng mga kuwentong walang kakwenta-kwenta.

Makitambay ka sa tindahan at ito ang mga uri ng usapang maririnig.

“Parang ang saya ni Bosing sa kasal nila ‘no?”

“Naku! Sa umpisa lang iyan. Eh balita ko mahillig pumatol talaga yang si Poleng sa mga matatandang mayaman. Di ba nga, naging boypren din niyan si Plastik King?”

“Ay, totoo ka. Baka ang luha ng ligaya ni Bosing ay mapapalitan din ng luha ng lungkot agad. Abangan!”

O di ba? Ramdam na ramdam nila ang pagiging malaam sa buhay ng may buhay ng iba? Animo’y kilalang kilala ang mga taong sinisiraan, tabloid lang naman ang basehan.

Mas malala ang mga talangkang kuyog. Ito ang mga taong malakas ang pakikiisa basta’t pagdating sa panlalait sa iba, maingat lamang ang sarili.

“Ano ba yang presidente ng asosasyon natin? Wala nang ginawa kundi sumipsip sa mga boss.”

” May hatiang nangyayari kasi. Di ba nga, meimbro ng bidding committee si presidente kaya malamang sa hindi, nakakipagsabwatan na iyan.”

“Kung bakit naman kasi di marunong bumoto ng maayos ang mga kasamahan natin. Pati tuloy tayo damay sa kamangmangan nila!”

Ang mahirap niyan, kung may makarinig at makisawsaw pa. Saksakan galore ito, as in saksakan ng likod na ang basehan ay maling haka-haka.

Ganyan na ba kalala ang pagkatalangka na mga Pinoy? Mahirap yatang tanggapin.

Lalo na kung ating babalik-balikan ang kadakilaan ng ating lahi. Tayo ay kilala sa buong mundo sa ating kabayanihan.

Kung noong araw, ito’y simpleng pagtulong lamang sa pagbubuhat ng bahay upang makalipat, ngayon maraming bersyon na ito sa ating pakikipagkapwa tao. Pinakasikat na nga rito ang People Power natin.

Magmasid.

Isang kotse sa alanganing lugar ang lumubog sa ala-kumunoy na lupa dahil sa lakas ng ulan. Akala mo walang tutulong? Magugulat ka na lang kung saan nanggagaling ang mga anghel sa lupang biglang magsusulputan para itulak ang sasakyan palayo sa kinalulubugan nito nang di alintana ang putik na nagtatalsikan sa kanilang mga baro’t katawan. Pagkatapos iangat ang pobreng drayber sa kinasasadlakan, bigla rin silang maglalaho na parang walang nangyari.

Sa magkakapatid o magkakaibigan, kahit gaano pa kapait ang samaan ng loob sa nakaraan, magsasama-sama pa rin sila upang makaambag sa pagtulong kapag ang isa sa kanila ay minalas, naaksidente o may matinding pangangailangan.

Heto pa… Alam ng lahat kung gaano napaparumi ng mga utak-talangka ang pulitika sa bansa kung saan ang mga naglilinis-linisan at nagmamaang-maangan ay ginagamit ang samu’tsaring makinarya upang siraan ang mga kapwa kandidato.

Pero sa kabilang dako, mapapansin din ang mga tahimik na tagapagmasid na nagsasalita sa pamamagitan ng kanilang mga boto. Ngayon pa lamang, umaangat na sa mga survey ang mga inaapi. Sana lang, hindi ulit mamanipula ang bilangan upang ang tunay na hinalal ng nakararami ang siyang mananalo sa huli.

Sa bawat yin ay may yang. Sa bawat kasamaan, may katapat na kabutihan. Di rin naiiba ang isip Pinoy. Kung may utak-talangka, may utak-biyaya rin pero sa huli, ang desisyon ng bawat isa ang siyang mag-aangat o maglulubog sa pangkalahatan.

PHOTO CREDITS: www.flickr.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 100

Trending Articles