Miyerkules Santo, Tahimik. Pinilit ko ang sarili kong bumiyahe pa-Laguna, para makabili ng kutkutin at mailahad sa inyo ang iba’t-ibang mga lasa. Iyung iba namamasyal at sa pag-uwi pasalubong ang punta. Ako, pasalubong ang sadya. Maaliwalas naman ang biyahe papunta. Kakaunti ang tao. Mabilis ang biyahe mula Crossing EDSA papuntang Los Banos – dalawang oras lamang. Bumaba na ako sa may Olivares Plaza, para pumasok at sumilip sa campus. Matahimik ang mundo. Miyerkules Santo.
Biglaang preno ang isang walang sakay na dyip, biyaheng “College” sa may istasyon ng gasolina. Sabay tigil, sabay hagis ng walang laman na mineral water bottle sa baldosa. Matumal marahil. At inapuhapan ako ng takot bahagya dahil maraming estudyante ang sumakay.
Ang lumang kainan lang na napansin ko ay ang Papu’s siomai, na melts in your mouth, umaagos sa dila mo ang laman, parang palaman na lamang halos. Sunog ang dila mo sa anghang. Dati Php11 ang tatlong piraso. Di na ko napadaan kasi nagkanda-nerbyos na naman ako sa dami ng mga batang pauwi sa Maynila, tapos ko dumaan sa campus.
Tapos tumambay, inuna kong puntahan ang Mer-Nel’s. Iyung nag-iisang roll na lamang ang kinuha ko, at pinipig choco polvoron. Ang cake ng Mer-Nel’s ampao-pula ang kahon. Matibay ito at recyclable. Kakayanin ang ma-tuhod, ma-sipa bahagya sa may paanan ninyo nang makailang beses sakaling maligalig ang mga sumasakay ng bus. Huwag lamang ma-tukuran ng nawalan ng balanseng pasaherong pumapanaog sa biglaang preno ni Manong Bus Driver.
Malagkit ang frosting, ang tamis ay pinasobra lamang ng kaunti sa sakto, ang tsokolate ay di nakakaumay. Halos walang makitang butas ng hangin sa mismong cake ngunit napakalambot pa rin.
Sunod ang mga kutkutin sa The Original Buko Pie:
Lengua de Gato – napakasimple ng rekado: mantikilya, itlog, harina at asukal, pero ang labas, kutkutin na di ka makakatulog hanggat di mo nauubos. Parang lagi kang tinatawag, at binubuyong “isa pa, isa pa.” Kumuha ka ng pastilyas, pisain mo, lagyan ng kaunting hangin, palutungin. Lengua de gato.
Pangilinan Sweets Pastillas de Leche – yung munchkin gawin mong purong gatas, kortehin na parang tubo ng tubig, at yung sprinkles ay asukal. Ganoon. Ang Bulacan ay sikat sa pastillas. Doon rin nakuha ang inilako sa pasalubong shop. Ang ube pastillas de leche nila ay lasang-lasa ang ube, ngunit natabunan na ang gatas. Kaunting balanse pa sana ng rekado, ang mungkahi. May kahong puti ang lalagyan ng Pangilinan Pastillas, may plastic cover, address, at contact number. Masarap.
Pangilinan Sweets Macapuno Balls — lasang-lasa ang buko macapuno pero wala kang mangunguya na buong laman. Malagkit sa pagnguya. Maige rin kung may kaunting matigas na mangunguya, parang yung biko ng suki namin. May malagkit tas mangilan-ngilan na rice crispies kumbaga. Nakakadagdag sa pagka-aliw ng kumakain. Madalas kasi, nagpapalipas oras ang mga mag-anak na kumakain ng kutkutin.
Campitas Broas – “ladyfingers” sa Ingles. Ang kaibahan ng broas sa lengua de gato ay may pampaalsa ito. Kaya ma-hangin ang loob. Mas matapang rin ang lasa. Halos aftertaste na, pero hindi pa umaabot doon. Kung may breadcrumbs na masarap, na naging tinapay, ganito ang lasa noon, at higit pa. Sa Lucban, Quezon ang Campitas. Maganda ang branding, may sunflower at papel ng magasin ang etiketa ng produkto nila.
Ang Shing-A-Ling ni Mang Patricio – mapapakanta ka ng “Shing-a-linga-ling-ding-dong!” Walang estudyante ng unibersidad ang nakaligtas sa makamandag na alindog ng mala-ahas na hugis na kutkuting ito. Ang Shing-A-Ling ni Mang Patricio ay ubod ng lutong, kaunting anghang, at alat na katamtaman. May pait ito na sumusunod kapag nalawayan na, at bago lunukin. Tila ginagaya ang lasa ng proven ng manok.
Mikiron Noodle Crackers — kay Mang Patricio pa rin. Ito mapait na talaga. Parang dilis na ang dating. Hindi ko alam kung bakit mikiron. Baka miki na lasang “prawn?” Mang Patricio, kung nasa-saan ka man, magparamdam ka naman, sa reply box. Parang fish cracker ang dating nito, pero miki noodles ang korte. Mainam pang-pulutan.
Banana chips -– Edna’s pasalubong ang nakuha ko. Malutong na malutong. Mahinahon ang tamis. Ang chips ay napaka-nipis. Parang pambalat ng gulay ang ginamit. Ang pagkakaluto ay halos golden brown na, ngunit sinadya ito, dahil alam nilang ito ang pinakamalutong na labas. Magaling. Si Aling Edna ay taga Canlalay, Binan Laguna. Punong-puno ang plastic na lalagyan, halos di na kayanin. Saludo.
Barquillos — tubong harinang malutong, malutong lang ng kaunti sa lengua de gato, na may nakapaloob na pinong-pinong pulbura na tila pulburon. Mani ang pulbura marahil. Napakasarap. Ang pagkalat ng lasa sa dila ay maiha-halintulad sa ice cream. Pantay na pantay, at saklaw ang buong dila. Nananatili ng kaunti, dahil nga parang pulburon, pero hindi nakakasamid dahil hindi ganoong karaming pulbos ang laman.
Merengue ng Panaderia Pantoja – since 1950 pa daw sila. May expiration date, ngunit walang address. May makisig na kalalakihang naka-bowtie sa etiketa. Makapal ang plastic na lalagyan. May pagka-malikhain ang pagkaka-laminate nito. Sosyal ang dating. Ang ibang merengue, kapag kinagat mo, bibigay agad, at matutunaw sa dila. Ang sa Pantoja ay lumalaban. Sisipsipin mo pa bago tuluyang matunaw. De-kalidad ito. Kahanga-hanga. Isipin ninyong cotton candy o icing ng cake na pinatigas at may kaunting maliliit na bulsa ng hangin. Singtamis din ng icing. Ilabas ang kapeng barako, kapag inihain ito.
Espasol – nakabalot sa beige na Manila paper ang Floren’s Espasol mula sa Nagcarlan, Laguna. Maayos ang portion. Ang sangkap raw ay malagkit, buko, pinipig, at asukal. Ang malagkit at buko ang mismong nakakagat, at ang pulbos marahil ang dinikdik na pinipig. Tama ang tamis. Nakali-libang dahil tapos kumagat, sasawsaw ka dun sa pulbos, para matabunan ang parteng pinagkagatan. Mabigat ito sa tiyan. Mabilis rin mapanis, kaya kainin agad, pagkabili. Masarap ang Floren’s Espasol.
Apas – Campitas, sa Lucban ang may luto. Korteng dog-tag ng mga sundalo. Malutong. Shing-a-ling na matamis ang dating, pero ang pait ay nakakubli, di gaya ng sa Shing-a-ling. Ang apas ay may asukal na tila mahiyaing tagaluto ang nag-budbod. Konserbatibo ang pagkakalagay ng mga pampalasa. Mainam ipares sa mga ubod nang tamis na mga minandal at inuming tsokolate.
Toasted pastillas — lumalaban sa pagnguya ang likha ng Krimmy’s. Sa unang tingin, iisipin nating may lasang usok o sunog dahil toasted, pero bahagyang-bahagya lamang ang pagkaka-toast at nag-caramelize ang asukal dahil dito. Iyun ang malalasahan ninyo. Pastillas na caramelized nang kaunti.
Country Choco Milk – malapot ang gatas; ang tsokolate ay nasa kalagitnaan ng tablea at yung nabibili sa inyong suking tindahan. Swabe, walang sabit. Sakto ang timpla. Ang packaging ay botelyang plastic na maaaring muling gamitin. Tatak ay baka. Kung sa stuffed toy ay napakasarap tirisin. Ang kyot. May expiration date.
Naka-tengga lang kami sa kalsada sa may simbahan malapit sa tirahan ko. Buti pa iyung dyip sa harapan, may mga nagse-selfie na dalagita, isinama ang pagkuha sa parada.
Naiinip ako, hindi naman ako makalakad tulad ng iba, at napakarami kong dala. At isa pa, wala na akong lakas. Naka-kain pa ako nang lagay na yan doon sa may terminal sa Crossing EDSA.
Miyerkules Santo kasi. At kahit anong araw, kung gusto mong may mangyari sa buhay mo, dapat talaga, magtiyaga, at payt lang nang payt.