Nag-uusap ang bagong kasal. Ang sabi ni Juana, “Beh, paglipat natin sa ating bagong bahay, gusto ko minimalist ha.”
Ang tanong naman ni Pedro, “Ano yun?”
“Minimalist… Yung mga kasangkapan lang na ginagamit ang makikita, wala masyadong dekorasyon, simple lang,” paliwanag ni Juana.
Nagkusot ng mukha si Pedro, ” Ha? Anong hitsura nun?” Ang nalilito pa ring tanong ni Pedro.
Talaga nga naman hindi maka-relate si Pedro sa ayos na minimalist. Kundangan kasi sanay ang pangkaraniwang Pinoy sa borloloy.
Napapansin niyo ba? Sumakay ka ng bus, taxi o UV Express, madalang kang makakakita ng dashboard na walang dekorasyon. Halos lahat may borloloy. Una na riyan ang rosaryo at ala-kuwintas na Driver’s prayer na nakabitin sa rear view mirror . Kung segurista si Manong Drayber, may mga pampabuenas pa iyan na pang fengshui.
Sa taas ng dashboard mismo, nakapatong ang samu’t saring borloloy tulad ng air freshener at mga laruang hayop na umuugoy ang ulo. Huwag lamang pakatitigan at baka pagbaba mo ay mapagkamalan kang adik na hip hopper dahil panay na rin ang pagyuku-yuko ng ulo mo.
Ngayon, nauuso pa ang mga plastik na puno o halamang gawa sa ni-recycle na basyo ng soft drinks na pwede ring lagyan ng mga baryang panukli. Wala pa riyan ang mga okasyon tulad ng pasko kung saan mga nakasukbit din ang maliliit na parol.
Mas lalo sa pampribadong sasakyan. Dahil walang nakikialam na operator, may layang maggayak ang may-ari ng kotse. Nariyan ang isang hilerang stuffed toys sa dashboard pati na sa likuran ng mga back seat, mga throw pillows sa mga upuan pati kurtina sa bintana. Siempre, di mawawala ang signature Pinoy insignia na rosaryo o krus na nakabitin sa salamin. Pati nga sa tambutso kung minsan ay may nakasabit na stuff toy. Ang pobreng laruan kung may buhay lang ay siguradong magproprotesta sa pagpapahirap sa kaniya. Kahit sino naman ay mabibilaukan kung nakatapat ang mukha sae tambutso.
Kahit sa telebisyon, di mapagkakaila ang hilig ng Pinoy sa pagdedekorasyon. Kung ang Deutsche Welle Channel ng Alemanya o ang BBC ng Britanya ay kontento sa paglalaro sa dalawang prominenteng company colors nila tulad ng puti at bughaw o puti at pula, sa Pilipinas ay sadyang naiiba sa mala-piyestang kulay. Nariyan ang orchard look o mga set na puno ng halaman, kulang na lamang ay magmistulang hardin o kakahuyan ang hitsura.
Nariyan din ang homey look na parang hango lang sa sariling tahanan ang ayos na may sofa, plorera na may makukulay na bulaklak, mga pigurin, litrato at mga aklat sa may background. Kulang na lang ay malunod sa mga gamit ang mga host ng programa.
Ano pa kaya sa sariling bahay? Karaniwan na ang makukulay o ma-ruffles na kurtina, mga plorera ng plastik na halaman o bulaklak , mga pigurin na kinolekta pa sa bawat kasal na dinaluhan, altar na puno ng mga santo at santa pati bibliyang di naman binabasa kaya’t mukha pa ring bago kahit pa ilang dekada na itong naka-display, mga plastik na prutas sa mesa, larawan ng bawat miembro ng pamilya at siempre ang mga ipinagmamalaking dilploma at graduation picture ng mga anak na kumpleto pa sa lamination.
Nariyan din ang mga estanteng punung-puno ng iba’t ibang gamit na di mabitaw-bitawan tulad ng mga component na may cassette player at turn table na hango pa sa dekada otsenta, ilang set ng mga China dishes na di pa halos nagagamit, mga delatang expired na pero di maitapon dahil imported, koleksyon ng mga baso, tasa o plato at marami pang iba. Minsan pa, pati sa bawat apakan ng hagadanan, mayroon pa ring mga dekorasyon tulad ng mga pigurin o paso ng halaman.
Hay! Sa pagsasalarawan palang ay nakakapagod na. Eh ano pa kaya kung sa paglilinis. Sa dami ng kalat, tila di na rin nauubos ang alkabok na kaiangang linisan.
Kung babalikan naman natin, simple lang ang ating mga pinagmulan. Magkakaroon tayo ng ideya kung paano ang pamumuhay ng ating mga ninuno sa pamamagitan ng mga tahanan ng ating mga natibo. Sa norte, nariyan ang mga kubol ng mga Igorot kung sana makikita ang simpleng lutuan at maliliit na papag bilang tulugan. Sa labas nakabitin ang mga bungo ng kanilang mga kalabang tribo. Kung mas marami, mas matapang o mas mataas ang antas sa kanilang lipunan.
Pati ang mga Tausog sa dakong Mindanao kung saan ang mga payak na pagngailangan lamang ang makikita sa tahanan tulad ng mga panghuli sa isda at tapayan, pati na mga nilalakagan ng pagkain.
Kung mayroon mang maborloloy, ito ay ang mga bordado. Kung saan nakaguhit sa kanilang balat ang mga disenyo ng tribo o mahahalagang pangyayari sa kanilang buhay bilang mga kawal.
Masasabing impluwensya ng mga Kastila ang pagiging maborloloy dahil sa matingkad na paggayak sa mga pista pati na sa kanilang magagarbo, makulay, bulaklakin at magarbong kasuotan.
Mahigit tatlong daang taon ng kolonialismo ang iniwang tatak sa ating alaala kung kaya’t di nakapagtatakang dala-dala pa rin natin sa ating kamalayan ang borloloy.
Masaya nga sana sa unang tingin ang mga ganitong klase ng pag-aayos pero sa katagalan, tila masakit na sa ulo. Tila bagang nag-aagawan ng eksena ang bawat dekorasyon saan mang dako ng bahay o kotse o programa kung kaya’t sa katapus-tapusan ay masakit na sa mata kung pakatitigan.
Maihahalintulad ito sa mga politikong agaw-pansin sa mga bulaklaking tabas ng dila at makukulay na papuri sa sariling inihahain sa publiko pero sa huli, bungi ang napipiling kandidato dahil nadadala ang taumbayan sa matatamis na salita.
Maganda ring isiping ang bawat koleksyon ng gamit tulad ng mga litrato at mga antigong gamit ay isang paraan sa pagpapahalaga sa nakaraan at sa mga magagandang alaala ng pamilya.
Sa kabilang dako, senyales din ito ng bahid ng kasakiman dahil puro pakabig at pag-aangkin ang inaatupag hanggang sa puntong di na mapakawalan ang mga ari-ariang maari pang mapakinabangan ng kapwa. Aanhin ang santambak na inalmirol na mga kumot na unti-unti nang kinakain ng mga langgam at kung anong insekto kung maaari na sanang ipamahagi ang mga ito para magamit ng mga dukha sa daan para di naman lamigin sa hamog ng gabi.
Sadyang makulay ang buhay Pinoy na sumasalamin sa kung paano tayo mag-ayos ng tahanan, opisina o kahit sasakyan. Wala naman masama rito. Trip, trip lang ‘ika nga. Pero kung minsan, magandang sumubok ng bago at basagin ang trip para sa ikakabuti ng iba. Masarap ding isiping na sa ating simpleng pamumuhay, may ibang buhay ring mabibiyayaan.
‘Ika nga ng isang kilalang tagapagbalita ng Diyos, live simply so that others can simply live.
Photo: from developingiloilotogether