Naging magkasintahan sina Joseph at Kayla simula noong 4th year high school sila. Marami ang nagsabi na bagay sila. May kaunting pagkahawig ang dalawa kaya kumbinsido ang lahat na sila ang magkakatuluyan.
Kahit magkaibang kurso at unibersidad sila pumasok pagdating sa kolehiyo, nanatiling matatag ang samahan nina Joseph at Kayla. Hindi sila nagkaroon ng alinlangan sa isa’t isa dahil alam nila na matibay ang kanilang pagmamahalan. May mga ibang lalaki na umaligid kay Kayla sa unibersidad ngunit hindi niya ito binigyan ng pansin. Madaming kaklaseng babae si Joseph sa kanyang pinasukan pero kahit minsan, hindi siya natukso.
Noong sila ay nakapagtapos sa kolehiyo, minabuti ng dalawa na magtrabaho muna bago sila magpakasal. Pagkatapos ng tatlong taon, ang magkasintahang Joseph at Kayla ay nagpakasal.
Naging masaya ang kanilang pagsasama. Nagkaroon sila ng anak makalipas ang isang taon. Para sa kanilang mga kamag-anak at malapit na kaibigan na nasubaybayan ang kanilang pagmamahalan, maswerte sina Joseph at Kayla dahil natagpuan nila ang kanilang true love.
Gayun na lamang ang panghihinayang ng kanilang mga kakilala nang malaman na naghiwalay ang dalawa pagkatapos ng dalawang taon. Maraming nagtanong kung bakit. Hindi malinaw ang dahilan ng paghihiwalay ng dalawa. Ayon sa kanila, napagisip-isip nila na hindi pala sila para sa isa’t isa.
Tuluyan silang naghiwalay. Nagkasundo ang dalawa na pagtutulungan nilang palakihan ang nagiisa nilang anak.
Sa kasalukuyan, may kanya-kanya na silang ka-relasyon. Hinihintay lamang nila na makuha ang kanilang annulment upang makapagmove-on na sila.
Nakakalungkot kapag naghihiwalay ang mga taong minsan ay minahal ang isa’t isa nang lubos.
Hindi na nagugulat ang mga tao kapag naririnig nila na may naghiwalay. Normal na daw kasi ang hiwalayan ngayon.
Sa makabagong panahon na ito, uso pa ba ang forever?
Ang sarap pakinggan ng salitang forever ngunit hindi ito madaling makamtan. Minsan yung akala mong panghabang-buhay, may hanganan pala.
Pero hindi naman porke marami kayong kilala na naghiwaly, ganun na din ang mangyayari sa inyong buhay. Tandaan ninyo, hawak ninyo ang inyong mga kapalaran. Huwag kayong mawalan ng pag-asa. Lahat naman tayo ay may pag-asang magkaroon ng forever.
Ang mga sumusunod ay ilan lamang mga suhestiyon na maaaring makatulong para ang inyong relasyon ay magtagal nang panghabang-buhay.
Panatiliin ang “kilig” sa inyong pagsasama. Ang payo ko sa mga kalalakihan, huwag huminto sa panliligaw. Hindi porke sinagot or nagpakasal na kayo ay hindi niyo na bibigyan ng kaukulang pansin ang inyong kabiyak.
Sikapin ninyo na magkaroon ng panahon para sa isa’t isa. Hindi dahilan ang pagiging abala.
Minsan nakakalimutan na magrelax dahil sa dami ng trabaho at problema. Kapag pagod ang utak at katawan sa pag-iisip, nagiging dahilan ito ng pag-aaway o hindi pagkakaintindihan.
Maglaan ng oras na magsaya. Huwag magsasawang mag-date kahit na may anak na kayo. Maaaring kumain sa labas, mamasyal, manood ng sine, manood ng concert, at iba pa. Hindi kailangan gumastos ng malaki para maging masaya. Pwede naman na simple lang ang date basta magkasama kayo.
Surpresahin pa minsan-minsan ang inyong mga mahal sa buhay. Mag-uwi ng kanilang paboritong pagkain, bigyan sila ng bulaklak, gumawa ng reservation sa paborito nilang restaurant, bilhan sila ng isang simple bagay na pakapagpapasaya sa kanila, at iba pa.
Taon-taon ninyong ipagdiwang ang inyong annibersayo dahil ang bawat taon na lumipas ay isang magandang biyaya.
Huwag maging kuripot sa magbibigay ng papuri sa inyong kabiyak. Minsan kasi masyado na tayong sanay na kasama ang isa’t isa kaya nakakaligtaan natin na purihin ang mga magagandang bagay sa bawa’t isa.
Panatiliing bukas ang daloy ng komunikasyon. Bigyan ang isa’t isa ng oras upang mag-usap. Kahit abala sa hanap-buhay, importante na magkaroon ng panahon na magkwentuhan. Pumili ng lugar na tahimik at wala masyadong istorbo para makapag-usap ng mabuti.
Magandang pagkakataon na makapag-usap tuwing nagsasalo-salo sa hapunan. Alamin ang mga nangyari sa isa’t isa sa araw na iyon. Mas mainam na tutukan ang mga masasayang pangyayari kaysa sa mga malulungkot na bagay at mga problema.
Kapag parating nasa byahe, tulad ng mga OFWs, maaaring mag-usap sa telepono o magpadala ng liham o email.
Maging tapat sa isa’t isa. Ang pagiging tapat ay isang importanteng aspeto ng matagumpay na relasyon. Maging komportable na magbahagi ng mga nararamdaman (positibo o negatibo) sa bawa’t isa. Parating magsabi ng totoo sa iyong kabiyak. Ilahad ang mga bagay-bagay na nasa isipan at puso. Kapag tapat kayo sa isa’t isa, mas madaling hanapan ng solusyon ang mga problema. Kung baga sa damit, mas madaling tanggalin ang gusot kapag parati kayong nagsasabi ng totoo. Tandaan na ang isang kasinungalingan ay kadalasang nasusundan ng iba pang mga kasinungalingan. Ang isang relasyon na napapagitnaan ng mga kasinungalingan ay madalas na nasisira. Kung gusto mo ng forever, maging tapat ka sa iyong kabiyak.
Matutong tanggapin ang mga kakulangan ng isa’t isa. Minsan meron tayong mga pagkukulang. Ang totoong pagmamahal ay ang pagtanggap sa isa’t isa nang buong buo. Huwag ninyong hangarin na magbago ang kabiyak dahil ito ang nais ninyo. Mahalin sila ng walang natatagong kondisyon.
Sa isang relasyon, importante ang magbigayan. Hindi sa lahat ng oras ikaw ang tama. Pag-usapan mabuti ang sitwasyon. Bago gumawa ng desisyon, pag-aralan muna ang mga pangyayari. Timbangin ang positibo at negatibo. Lawakan ang pag-iisip upang magkaroon ng solusyon na makakabuti sa bawa’t isa.
Humingi ng tawad kapag nagkamali o nakasakit ng damdamin. Walang taong perpekto. Minsan kailangan magkamali para mas matuto. Kung nais mong magkaroon ng panghabang-buhay na pagsasama, kailangan maging mahinanon at tanggapin ang iyong mga pagkukulang. Huwag pairalin ang pride dahil maaari nitong wasakin ang matagal niyo nang pagsasama.
Kung marunong kayo humingi ng tawad, kailangan matuto din kayong magpatawad. Tulad ng nasabi ko nung una, walang perpektong tao. May mga pagkakataon na nasasaktan tayo sa salita, desisyon o pag-uugali ng mahal natin sa buhay.
Ibukas ang isip at puso sa pagpapatawad. Kapag nagkamali ang iyong kabiyak, bigyan siya ng pagkakataon ng ituwid ang kanyang nagawang hindi tama. Ang pagpapatawad ay nakakagaan ng saloobin.
Sabihin ninyo sa inyong kabiyak kung gaano sila ka importante sa inyo. Parati ninyong sabihin na mahal na mahal ninyo sila. Iparamdam ninyo na importante sila sa inyong buhay.
Photo from Pixabay. Public domain.
—————————–
Rachel Yapchiongco, also known as Rach to her friends, is a Psychology and Marketing Management graduate of De La Salle University. Rachel is a mom to a charming boy and married to an entrepreneur who has a passion for cooking. She shares parenting experiences and slices of everyday life on her personal blog called Heart of Rachel.